Disclaimer: Hindi ko po pag-aari ang palabas na ito pati na rin ang mga tauhan.

Author's notes: Pasensya na sa isang nakababahalang fanfic. Isa itong fanfic na ginawa ng isang sadistang bata. Unang gawa ko ito at pinili kong isulat sa Tagalog. Napansin ko kasing wala halos nagsusulat gamit ang wikang ito. Pasensya na rin kung nagmumukhang trying hard ang pagtatagalog ko. Sanay lamang akong magsulat ng ganito.


Wala Na

By Puddles of Blood

Wala na siya. Ang kanyang pinakamamahal na si Fuuko.

Ang lalaking may pinilakang buhok ay nakaupo sa isang sulok. Tulala at nakatingin sa kawalan. Mga mantsa ng kanyang ginawa ang makikita sa kanyang kamay.

Unti-unti niyang tinungo ang bangkay ng kanyang nobya. Niyakap niya ito at inamoy ang kanyang kulay lilang buhok. Wala na ang halimuyak ng mga bulaklak, dugo na lang ang tanging maamoy.

Umiyak siya. Umiyak siya ng umiyak. Mga luha ng pagsisisi ang dumaloy sa kanyang maputlang pisngi.

"Kasalanan ko ito, kasalanan ko ito," paulit-ulit niyang sinambit habang hinahaplos ang mukha ng dalaga gamit ang kanyang duguang kamay.

Hinagkan niya ito na para bang maibabalik pa nito ang buhay na nawala.

Dahil sa kanyang selos at pagkapoot, napaslang ni Tokiya Mikagami ang kanyang minamahal. Nabulag ito dahil sa takot na mawala ang kanyang si Fuuko.

Wala na si Fuuko.

Wala na ang kanyang ngiti.

Wala na ang babaeng tumunaw sa yelong nakabalot sa kanyang puso.

Bumalik lahat ng takot, selos at hinanakit, na akala niya'y tuluyan ng nawala, nang makita niyang may kasama si Fuuko na ibang lalaki. Hindi man lamang siya nagtanong. Nakontrol na siya ng demonyong matagal ng nakatago sa kanyang kaloob-looban.

Sising-sisi siya. Nagpabulag siya sa selos at takot. Hindi na siya dapat mabuhay pa.

Kinuha niya ang ang kutsilyong ginamit niya sa pagkitil ng buhay ng kanyang minamahal.

"Kung wala na siya, wala na akong rason pa para mabuhay." sabi niya sa kanyang sarili.

Pagkasabi nito, sinaksak niya sa sarili ang kutsilyo. Naramdaman niya ang paglabas ng dugo mula sa kanyang katawan. Ramdam niya ang unti-unting pagkamanhid ng kanyang katawan.

Gamit ang natitirang lakas, niyakap niya sa huling pagkakataon si Fuuko. Hanggang sa huling hininga, minahal niya si Fuuko. Alam niyang napakalaki ng kanyang kasalanan. Nagpabulag siya sa matinding selos sa isang lalaking hindi naman talaga minamahal ni Fuuko. Siya lamang ang tanging minahal ni Fuuko hanggang sa huli nitong hininga.

Duwag siya dahil pinili niyang mamatay kaysa harapin ang mga maaring mangyayari kapag nalaman ng kanilang mga kaibigan ang kanyang ginawa.

Pero wala na siyang pakialam. Masaya na siyang makasama si Fuuko sa kamatayan. Hindi man siya siguradong makakasama niya ito sa langit, wala na siyang pakialam.


A/N: Sana ay nagustuhan niyo. Kayo na ang bahalang mag-isip kung sino man ang lalaking pinagseselosan ni Tokiya. Si Recca, si Domon, o si Raiha? Pwede ring wala sa palabas. Naisip ko lang na walang sense ang kwentong ito kung di ko sasabihing may pinagselosan si Tokiya. Hindi ako umaasang maraming magre-review nito pero kung ito man ay inyong mabasa, sana ay gawan niyo na rin ng review. Maraming salamat.