Maraming salamat sa mga tumangkilik ng aking kwento kahit gaano pa ito kaabnormal sa paningin ng iba. Nakakaatuwa naman talaga paglaruan si Gaara at ironically mas nagiging paborito ko siya sa tuwing inaasar ko siya. Ihanda niyo na ang inyong sarili para sa grand finale ng kwentong ito.


Ang Kilay ni Gaara Chapter 3

Unang araw ni Gaara sa kindergarten.

"Uy tignan ninyo ang bata, walang kilay!" turo ng batang duling.

"Oo nga. Mukha siyang alien," puna ng babae na may malaking butas ang ilong.

"Hindi," dagdag ng isang mukhang pato ang bibig. "Isa siyang tsanak!"

Ang mga kaklase niya sobra kung manlait. Kung alam lang nila eskwelahan talaga yun ng may kapansanan. Pero bakit siya lang ang pinagdidiskitahan? Ganyan talaga. Pag sikat, ikaw ang victim.

Ilang araw ring nagdusa si Gaara sa pang-ookray ng mga kapwa niya abnormal. Kung tutuusin nga mas nakakaimbyerna pa sila kaysa sa kanya. Ang katabi nga niya sa bagsik ng hininga, hinihimatay pati bacteria sa hangin. Yung nakalaban niya sa Jack en Poy, talsik laway. Yung kapartner niya sa pila, ang hilig mangulangot at magtutuli nang sabay. Ngunit kahit anong sumbong ang gawin niya sa tatay niya, di nito binibigyan ng kaukulang aksyon ang problema ng anak.

"Konting tiis lang anak. Masasanay ka rin sa kani-kanilang pagmumukha." Yan ang lagi mong maririnig sa tuwing isisiwalat niya ang karumaldumal na katotohanan tungkol sa kanilang paaralan. Wala talagang pakialam ang ama kahit sa contest na palakihan ng bula ng sipon at paututan ng malakas sa kanilang klase. Mabaho talaga ang reputasyon ng eskwelahang iyon kaya di maunawaan ng iba kung bakit pinagpipilitan pa rin ng Kazekage na ipagsiksikan ang bunso niya doon. Dahil lang ba sa kawalan ng kilay? Buti pa si Temari at Kankuro sa matinong paaralan pumapasok. Di na ba siya love ni Daddy? It's so unfair!

Isang araw, sa P.E. class nagkaroon sila ng dancing lessons. Pinindot ng teacher ang play sa radio at nagsimulang tumugtog ito ng: "Bongga ka 'day! Bongga ka 'day! Sige lang, sige lang, itaas ang kilay!"

Itinaas ng teacher ang kanyang kilay for everybody to follow. At ang di lang nakafollow sa step ay ang kawawang paslit na si Gaara kaya sa isang iglap itlog ang natanggap niya sa practical exam. No need for explanations. No excuses. Di talaga madaan ang teacher sa pakiusap at pagmamakaawa.

Di lang yun ang first time na nakaranas siya ng injustice mula sa mga guro. Lagi nga raw siyang ginagawang perfect example na panakot para sa mga estudyante.

"Oy psst… wag mo gamiting pangkamot ang gunting. Sige ka at baka matulad ka kay Gaara."

"Walang tatakbo baka makaskas ang kilay ninyo sa lupa!"

"Hala ka! Nalalagas na rin kilay mo. Bad boy ka kasi!"

"Dapat tularan ninyo si Gaara. Tignan ninyo, sa sobrang pag-aaral nasunog na ang kilay." Yan ang isa sa pinaka-hindi pangkaraniwang remark sa kanya ng isang gurong mabait. Ang kinasama lang nun ay lalong walang nagsipag mag-aral at gumawa ng takdang aralin nila. At naniwala nga ang mga utu-utong mga bata sa mga nakakatatanda.

Kung kilay lang naman ang pag-uusapan, siguradong siya na nga ang pagtitinginan at kaaawaan ng lahat. May isang parent pa nga na nagsuggest na ipa-eyebrow transplant siya o kaya magdonate nalang ng kilay ngunit wala ni isa ang naglakas loob na mag-alay kahit kaunting hibla na nagmula sa mga binunutan nila ng mga kilay sa parlor.

Minsan sa Science class, itinuro ni Miss Makunat ang different parts of the body. Si Gaara ang unang-una niyang tinawag para magrecite.

"Gaara, could you point to me your eyebrows?"

Natulero siyang bigla. Di niya malaman kung saang sulok ng silid-aralan hahanapin ang sagot.

"I'm asking you again. Where are your eyebrows?"

Tinuro ni Gaara ang kilay ng guro.

"Sinabi ko bang ituro mo yung akin?! Ang sabi ko, yung iyo! YUNG IYO!!!"

Umuusok na ang butas ng ilong ni maam. Tila isang dragon ang kanyang kaharap ngayon at di na tao! Napilitan tuloy siyang ituro ang bahagi sa ibabaw ng kanyang mata.

"ANO YAN?"

"K-kilay p-po…"

"MAMAMIA, GAARA!!! Talukap yan. Those are eyelids not eyebrows!"

"W-wala po eh."

"Wala?! Pwede bang wala? Nasaan na?"

"N-na-naahit ko po…"

"I CAN'T HEAR YOU!!!"

"NAAHIT KO PO!"

Dumagundong ang tawanan sa section nila sa kanyang pag-amin. Sumabog tuloy ang utot ng isa niyang kaklase sa sobrang taas ng level ng hangin sa tiyan. May nawalan pa ng hininga at sinugod sa mental hospital. Kahit ang teacher nila, nabulunan at napaubo nang katakot takot dahil sa kakatawa.

"We're gonna laugh at you! We're gonna laugh at you!" Umalingawngaw ang halakhakan sa kanyang utak. Nag-ikot na parang kaleidoscope ang kanyang paningin. Kitang-kita niya ang mga ngipin, dila, ngalangala, gilagid, tonsil, lalamunan, esophagus at tinga nila in all shapes and sizes. Nakakapanggigil! Di na niya mapigilan…

"Sabaku Sousou!"

Sa isang kisapmata, nailibing niya silang lahat. Simula noon, wala nang sinuman ang naglakas loob na banggitin ang kahit na ano pa mang may kinalaman sa kilay ni Gaara.

THE END.