Blue Dragon: Ang Erehe

Hindi sa akin ang Blue Dragon.


Paunang Salita:

"Patawarin mo ako, Ama, sapagka't ako'y nagkasala."

Hindi makasagot ang kura, ni umungol ay di magawa. Sa kabila ng gutay-gutay na telang tanging natira sa nasirang gusali ay ang demonyo mismo. Alam iyon ng kura. Ang demonyo'y may aninong nagbibigay na ng makapigil-hiningang kilabot sa sinumang makaaninag nito.

"Bakit hindi ka sumasagot? Sa tingin mo ba hindi ko alam na nandiyan ka pa?" tanong niya.

"P-pero... hindi ba ikaw s-si-"

"Sssshhhhh..." pamigil niyang wika sa kura. "Alam kong nakikilala mo ako kahit na hindi mo ako nakikita... Hindi ko na maiiwasan yon. Pero sana ay huwag mo na akong pangalanan. Ang pangalan ko ay magdadala lamang ng kamalasan sa iyo at baka hindi pa matuloy ang pangungumpisal ko."

Napalunok na lamang ang kura, hindi matigil ang pagpapawis sa kaniyang noo at batok.

"O, siya, siya... sabihin mo... a-ano ang iyong mga kasalanan."

Pasalaysay niya itong sinabi, na parang makina na lang siyang naka-programa na ang mga dapat niyang sabihin. Dumiin ang mga mata ng demonyo,

"Hindi ka manlang ba nagtataka?"

"H-ha?"

"Hindi ka ba nagtataka na ang tulad ko na naninilbihan sa pinunong pansaliring kapangyarihan lamang ang ipinaglalaban ay narito kaharap mo at masinsinang nangungumpisal sa iyo ngayon?"

Mas lalong pinagpawisan ang kura. Ano nga ba kasi ang ginagawa ng demonyo dito, sa sawing gusali ng Diyos? Narito ba siya para mangutya pagkatapos niyang dumaan dito na tila mapaminsalang bagyo?

"Ah, pasensya na. Ginugulo ko tuloy ang usapang ito. Paano ko nga ba ito sasabihin?

"Pangkaraniwan lang naman para sa mga taong katulad ko na pumapaslang ng mga pari at sumusunog ng mga simbahan tuwing nasa linya ng serbiyso.

"Ngunit sa kabila nito'y hindi ko pa rin matanggap na ang pagtataksil sa pananampalataya ko ay bahagi ng trabaho ko. Banal na dugo'y bumubuhos sa bawat pagwasiwas ng sable ko, at sa bawat pagdanak ay unti-unting nagigiba sa lupa ang batong Simbahan na matagal na panahong pinalaki ng mga ninuno ko, at patuloy pa ring palalaguin hanga't may bagong panganak na binibinyagan. Naiintindihan ko sakali mang tuluyan na akong itakwil ng madla, pero malakas pa rin ang tiwala ko sa maawaing puso ng Diyos.

"Kaya ngayon, bago huli na ang lahat ay ipapaalam ko sa Kaniya na sa nalalapit na hinaharap ay makakagawa ulit ako ng pagtataksil sa kapwa. Handa akong ipaliwanag lahat. Alagad ka ng Diyos at konsensiya mo na lang kung ipagkakalat mo ito..."


Review, please. Sabihin niyo kung itutuloy ko pa ito. Salamat ^^